10590574_10203366559778620_444116426198826757_n

“The best memories are rarely captured in photographs, it is hidden in the depths of one’s heart.”

Dear Tado,

Today is the 7th month since you left us. I’ve been searching the whole day for a photo of you and me together. I realized that in the 20 years that we were friends, we never had a photo of just the two of us.

Natawa ako sa thought na wala man lang akong proof na magkaibigan talaga tayo. Sa mundo pa naman ngayon, ang lakas makaloko ng social media – photo lang with a celebrity like you at witty caption, akala mo magbestfriend na ang dalawang tao. Pwede mo na ikondisyon ang isip ng publiko sa klase ng relasyon na meron kayo ng isang tao.

Pero kahit ganito ang mundong ginagalawan natin, lumaki tayo sa mundong ang “kasama” ay minsan mas matimbang pa sa pamilya at kaibigan; ang asawa at kasintahan ay “karelasyon”. Pinanday tayo sa paniniwala na ang pagmamahal ay hindi ang pagtingin sa isa’t isa ngunit ang pagtingin sa iisang direksyon.

Wala talaga akong mahanap na larawan nating dalawa. Wala akong picture ng gabi na pinipigilan kitang tumalon sa fly over sa harap ng Club Dredd sa Edsa. Wala rin akong picture ng panahon na natutulog tayo sa iisang opisina sa Pasig kung saan gumagawa kayo ng effigy ni Poklong at naghalo na ang gawgaw na paste sa mahaba ninyong mga buhok o picture man lang nung nasa jeep tayo at nilagyan mo ng laway ang legs ko dahil niloloko kitang Tado kadiri. Wala din akong picture na sabay tayong nag-rerecruit noon sa Fine Arts sa UST, nag-iED sa Wooden House sa STC, o nakatambay sa Unyon ng PUP at tawa ka ng tawa noong nakakain yung isang bisita galing UP Manila ng burger na may langaw sa loob.

Wala rin tayong picture ng gabing sakay mo kami ni Lourd sa Volkswagen mo na sobrang lakas ng ulan sa gitna ng Edsa at walang wiper, aircon at busina ang kotse mo at ni hindi namin alam paano tayo nakauwi ng buhay! Wala man lang tayong picture noong tinatayo natin ang Dakila, kapag sinasama mo ako sa mga “art art” na bagay, noong tumambay tayo sa Starbucks at nagusap tungkol sa mga hinaing mo sa buhay at kahit noong huling seryoso nating usap sa Tree House o pagkikita sa Tacloban.

Nasalubong ko si Ramon kagabi at tuwing nakikita ko siya, lagi niyang ipinapaalala ang gabing ito sa akin na bumyahe kami mula Roxas Blvd hanggang Katipunan para puntahan ka dahil nabangga ka dahil sa kalasingan mo. Naisip ko na sa mata ng iba, ito na siguro ang pinakaproof na magkaibigan tayo. Kaya, ito na lang ang ipopost ko bilang alaala ng pagkakaibigan natin.

Sigurado ako nagngingitngit ka na sa akin ngayon dahil ang bagal ng kampanya sa transport reforms, o kaya ng mga plano sa Dakila. Malamang gustong-gusto mo na akong debatihin sa mga taktika sa pag-oorganisa. Wala ka ng magagawa. Sorry ka!

7 months na. Alam mo namang mahirap mangampanya at mag-organisa. Pero dun ka magaling – mga out of this world ideas to change the world. O game na kami. Handa na kami mangampanya at mag-organisa. Dahil marami ka nang time dyan, isip isip na ha. Kung may bilin ka, lagi mo namang gustong mag-appear sa panaginip ni Ayeen kaya dun na lang ha.

Nagmamahal,

Leni