Noong nagsimula akong maging aktibista, hindi ako nagsuot ng mojo sandals o tubao sa buhok. Bakit ako magsusuot ‘nun? Eh ikaw nga nakasuper short na maong shorts ka lang, Esprit na t-shirt at Benetton na sneakers. Naalala ko pa ang pulang-pula na manicured mong kuko at mala-exclusive girls school ang accent mo. Lagi ka ngang may dalang romance pocketbook sa Sak na shoulder bag mo at laging busy sa kakabasa ng messages sa beeper mo. Hindi naman tunog hifalutin kapag ikaw ang nagpapaliwanag ng Marxismo kaya naisip ko, pwede rin akong maging aktibistang katulad mo.

Nang ako’y naging aktibista, hindi mo nga ako sinabak sa urban poor communities o pabrika man lang. Sa halip, pinag-recruit mo ako sa mga mayayamang istudyante ng Ateneo at La Salle. Isinabak mo ako sa larangang pakiramdam ko ay kay layo-layo sa sinasabi mong sosyalismo. Pinag-organisa mo lang ako ng concerts at trainings, tinuruang mangalap ng pondo pati makipag-usap sa mga pulitiko. Pero, ewan ko, sa proseso ng pakikisalamuha ko sa kapwa ko burgis, umusbong ang kamalayang rebolusyonaryo.

Nang ako’y ganap na maging aktibista, pinasama mo na ako sa mga operation dikit sa Edsa, pinagbantay kay Tado at Poklong para tiyaking matapos ang effigy para sa rally, at pinagpake ng libo-libong polyeto para ipadala sa probinsya. Daig mo pa ang nanay ko, laging nakabantay sa lahat ng kilos ko kahit tiyagain mo pang samahan ako sa Mayrics para mapanood lang ang bandang crush ko o pulutin man para itayo at hilahin papalayo kapag nagkakadispersal na sa Mendiola.

Nang lumalim ang aking aktibismo, mas natatakot pa akong walang mai-report na output sa iyo kaysa walang mapasang assignment sa professor ko. Mas nagigising pa ako sa tunog ng tawag mo sa telepono tuwing alas-syete ng umaga kaysa sa sigaw ng nanay ko. Mas mahihiya pa akong di makipagsabayan sa overnight at puyatan sa iyo kaysa indyanin ang mga group meetings ng classmates ko o gimmick ng barkada ko.

Ang pagkamulat pala ay ganito – ang simula ay pagkahubog sa mga ideyal, prinsipyo at kultura ng mga taong hinahangaan mo. Kalahati ng buhay ko, pinanood kitang makibaka laban sa stereotype na pagtingin sa isang aktibista at bilang lider kababaihan sa kilusang karaniwang pinamumunuan ng kadreng kalalakihan.

Mahirap pala maging aktibistang katulad mo – may tapang na bumatikos at magsalita kahit nilulunod ang boses mo sa lakas ng sigaw ng mayorya. Hindi pala madaling maging peministang katulad mo – kailangan may pusong alalahanin ang pulitikal o personal man na pangangailangan ng mga kasama. Ibang klase ang maging lider na katulad mo – ang patuloy na manindigan at lumaban sa kabila ng kahinaan at kawalan ng pag-asa.

Hindi lahat ng asawa ay katulad mo – mangangahas na ipahiya ang pinuno ng ISAFP (Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines) para ipagtanggol ang asawang bilanggong pulitikal at hindi natitinag sa anumang panunupil ng estado at militar. Dakila ang inang katulad mo – pagod man ang isip at katawan sa maghapong pagkilos sa pagpapalaya ng bayan ay mapag-arugang nagagabayan pa rin ang anak na maging maayos na tao at mamamayan.

Ang pakikibaka pala ay ganito – ang pagyakap sa walang katiyakan at ang pagiging matatag sa gitna ng kahinaan. Mahigit 20 taon na kitang ginagaya – sa panahong nagsisimula akong aktibista at peminista maski sa pagkakataong ang ating opinyon at direksyon ay nagkakaiba. Pero, ang dalawampung taong iyon ang pundasyon ng aking pagiging aktibista at peminista.

Sa panahong mahirap ipaintindi sa iba kung bakit ganito ako bilang aktibista at peminista, lagi kong binabalikan ang sinabi mo sa akin dati kapag ako’y nadedemoralisa:

“Activists are often perceived as stone-hearted, task-oriented people. It is not that we don’t feel anything. It’s just that we feel more than others do. That is why, we’re activists in the first place.”

Kahit machacao lang na tinatakas mo sa bakery niyo ang ipakain mo sa akin araw-araw, kahit magdamag mo akong paghaluin ng gawgaw at liquid sosa para may paste na pandikit sa libo-libong posters pangkampanya, buong puso akong tataya na kasama ka.

Ikaw ang aking #SHEro.

Serve the People to Serve the Puso,

Leni

11076178_10152645826437461_4643971807248207447_n

*This piece first appeared at DAKILA’s #SHEroes campaign in 2015.

Learning that serving the people is serving the puso, Dakila Executive Director, Leni Velasco, pays homage to the #SHEro that shaped her as an activist and a feminist.